Si Apolinario Mabini (1864-1903), kilala bilang Dakilang
Paralitiko at Utak ng Rebolusyon, ay pangalawa sa walong anak nina Inocencio
Mabini at Dionisia Maranan, sa baryo Talaga, Tanauan, Batangas.
Noong siya ay bata pa, nagpakita na siya ng hindi
pangkaraniwang talino at pagkahilig sa pag-aaral. Sa Maynila noong 1881,
nakamit niya ang isang partial scholarship na nagbigay-daan upang makapag-aral
siya sa Kolehiyo ng San Juan de Letran. Natapos niya ang kanyang Batsilyer sa
Sining noong 1887. Nag-aral din siya ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas
mula 1888 hanggang 1894.
Noong 1893, isa siya sa mga bumuhay ng La Liga Filipina na
siyang nagbibigay-suporta sa Kilusang Pang-reporma. Noong taong 1896 naman,
nagkaroon siya ng matinding sakit na nagdulot sa kanya na maging paralitiko
habambuhay. Hinuli siya ng mga gwardiya sibil noong 10 Oktubre 1896, dahil sa
pagkakaroon niya ng koneksyon sa mga repormista. Sumailalim siya sa house
arrest sa ospital ng San Juan de Dios at nang kinalaunan ay pinalaya na rin
dahil sa kanyang kondisyon.
Nang bumalik sa Pilipinas si Emilio Aguinaldo noong 19 Mayo
1898, pinasundo niya si Mabini sa Laguna at matapos ang kanilang pagpupulong
noong 12 Hunyo 1898, si Mabini ay naging punong tagapayo ni Aguinaldo.
Isa sa mga pinakamahalagang rekomendasyon ni Mabini ay ang
pag-aalis ng Diktadurya ng pamahalaan ni Aguinaldo at ang pagpapalit nito sa
isang rebolusyonaryong pamahalaan. Nagsilbi rin siya sa kabinete ni Aguinaldo
bilang Pangulo ng Konseho ng nga Kalihim at bilang Kalihim ng Ugnayang
Panlabas. Isa pa sa mga importanteng dokumento na kanyang nagawa ay ang
Programa Constitucional de la Republica Filipina, isang konstitusyon na kanyang
iminungkahi para sa Republika ng Pilipinas. Ang introduksyon sa balangkas ng
konstitusyong ito ay ang El Verdadero Decalogo, na isinulat upang gisingin ang
makabayang diwa ng mga Pilipino.
Nang sumiklab ang gyera sa pagitan ng mga Pilipino at
Amerikano, tumakas si Mabini papuntang Nueva Ecija at nadakip ng mga Amerikano
sa Cuyapo noong 10 Disyembre 1898. Nanatiling bilanggo si Mabini hanggang 23
Setyembre 1900. Nanirahan siya sa isang maliit na dampa sa Nagtahan, Maynila,
at kumikita sa pamamagitan ng pagsusulat sa mga lokal na pahayagan. Ang
artikulo niyang El Simil de Alejandro ay nagdulot sa kanyang muling pagkadakip
at pagkatapon sa Guam kasama ang iba pang mga Pilipino. Habang nasa Guam,
naisulat niya ang La Revolucion Filipina.
Namatay si Mabini noong 13 Mayo 1903, sa gulang na 39 dahil
sa kolera.
No comments:
Post a Comment